Walong Diwata ng Pagkahulog—Edgar Calabia Samar
Pinagkaitan man ng dulugan at pagkakataong makapagbasa ng mga akda ni Haruki Murakami, hindi maikakailang ang awtor ng librong ito ay isang mabigat na apisyonado ng nasabing nobelista; sa gayon ang primaryang salarin sa paggulantang ng kakatwa ngunit masidhing istoryang nanghimasok sa dominyo ng Literaturang Pilipino.
Ang pangunahing sentimyento ko sa librong ito ay ang pagkagiliw ng prinsipal na karakter sa literatura—ang matindi niyang pagkakahalina sa ilang piling manunulat at akda ng mga ito ngunit hindi mabuo-buong nobelang pilit niyang tinatahi. Maaaring ganito talaga kung ang sarili mong kwento’y pira-piraso’t kulang-kulang—buo pa man ang pamantungan ng kuwento, kung hindi ganap ang diwa ay wala ring saysay.
Nagngingitngit sa kawirduhan, kalimita’y nakakaasar at nanggugulo, at sa maraming pagkakatao’y nakalulula sa mga pilosopiya’t metaporang sadyang pinagtagni-tagni upang tuluyang makumpleto ang surealistikong senaryo. Maraming pagkakataong ninais kong bumigay at isara na ang libro dahil tila puno ito ng butas, na wari’y hindi mapagkakatiwalaan ang pagkakabanghay ng maykatha sa bawat tagpong ipinukol na lang sa kung saan-saang dako. Ngunit hindi, may kung anong salikmatang puwersang pilit na tumutulak sa aking magpatuloy.
Napakahilig ng awtor mambitin. Natatapos ang bawat kabanata sa isang pagbubunyag ngunit iyong tipong maulap ang dating. Hindi niya iginuguhit kaagad ang mga pangyayari. Nakakasuya ito sa ilan (kung meron man) ngunit para sa akin ay epektibo itong istilo upang mabalisa ang mambabasa at patuloy na sumubaybay sa mga susunod pang kabanata. Huwag lang labisan ng husto. Mahilig rin siyang makipaglaro sa mga salita.
Sa huli, hindi maitatanggi ang mapanharayang kaisipan ng maykatha. Naiiba ito sa karaniwang moda ng maraming manunulat. Binabalot ng mapanglaw na sansinukob ngunit may natatanging tinig na pinalilibutan ng misteryo’t kasawian.
May patutunguhan rin naman pala. 🙂
Rating: ★★★✰✰